Ang Anatomiya ng Call Center Agent
Pebrero 13, 2013
Kriiiiing, kriiiiing. “Hello—Ma’am! This is—Jenny—how may—I help you?” pautal-utal na wika ni Jenny habang pinipigil ang kaniyang ubo.
Utak: Ano ka ba?! Tigilan mo na iyan! Kontrolin mo’t baka mapauwi tayo! No work, no pay dito!!
Lalamunan: Ang sakit at kati-kati na kasi. Ilang linggo na ito, ‘di man lang ipahinga, nag-holiday naman nung makalawa!
Utak: Anong holiday? Holiday ng mga Pilipino ‘yon. Foreigners kaya pinagsisilbihan mo. Wala sila nyang holiday na ‘yan!
Klik klik. Kriiiiing, kriiiiing. Hello Sir, Hello Ma’am! Sabay sabay ang hampas ng mga daliri sa keyboard, walang tigil ang tawag na natatanggap.
Daliri: Napapagod na ako. Kanina pa ako galaw nang galaw dito!
Mata: Ang sakit-sakit na! Naiiyak na ako sa kakatitig sa nakakasilaw na bagay na ‘yan! Noong nakaraang buwan ko pa kinailangan ng salamin ah!
Tenga: Leche! Maghapon akong nakababad sa napakalakas na tinig ng iba’t ibang boses! May mga naninigaw pa!
Bibig: Onting tiis na lang sa kakadaldal, yosi break na! Woohoo!
Leeg, likod, binti, at paa: Kung makareklamo kayo riyan. Try nyo kayang di gumalaw nang matagal…nakakangalay! Para na kaming walang silbi dito.
Binti: Wala na naman akong nararamdang dugong dumadaloy ahhhhhh!
“Uy, go ahead. Tapusin ko lang ‘to. Caramel Macchiato, Grande sakin ha!” bilin ng kasamahan ni Jenny sa kaniya.
Binti at paa: Haaay, salamat. Tayo tayo at lakad lakad din atengs!
Utak: Antok na antok na ko! Kapeeeee! Kapeeee! Kapeeee!
Bibig: Ahh, ang init…ang sarap!
Lalamunan: Masyadong sticky! Lalo akong nangangati! Asan na yung Maxx menthol ko?!!
Tiyan: Kape na naman! Wala nakong ibang laman kundi kape at yang macaroons na yan! Maawa’t mahabag!
Tenga: Ahhh, musika…antagal kitang inintay…eargasm!!
Mata: Can I just close while you enjoy the music, ear? I need to close…
Daliri: Hindi ko mapigilan. Nanginginig ako. Hindi ko talaga mapigilaaaaaaan…
“Do you have a light, dude?” tanong ni Jenny sa kasamahang nagyoyosi.
Bibig: Owyes, yosi na! Ayusin mo naman daliri para masindihan na.
Daliri: I can’t hold still. Di ko mapigilan ang panginginigggggg. I am trying my best.
Bibig: Olrayt! Come to me cigarette butt!
Utak: *Puff, puff* I miss this feeling. I feel alive again.
Lungs: Pwe pwe pwe!
Lalamunan: @#$%^&*! Asan na ba yung Maxx menthol ko?!!
“Let’s go back inside, sis!” yaya ng kasamahan ni Jenny.
Binti, paa, likod, leeg, kamay, daliri: Nooooooooooo! Inat inat muna please! We’re begging you!
Lalamunan: Wag na wag mong makakalimutan yang Maxx menthol ko, sinasabi ko sayo!!
“Wait, Pengeng mints and I need more stretching. Ang sakit ng kasukasuan ko. Straight pa naman shift ko.” Reklamo ni Jenny sa nagmamadaling kasamahan.
Binti, paa, likod, leeg, kamay, daliri: Ahhhhhhhhhhhh, that feels so good!
Lalamunan: ALAS!
Utak: Tama na, tapos na ang panandaliang ligaya. Roll call tayo!
Utak: Mata?
Mga mata: Nanlalabo na kami, huhu! Di na rin namin mapigilan ang pagsara ng mga talukap!
Utak: Bibig?
Bibig: Kaya pa!
Utak: Lalamunan?
Lalamunan: Di ko maipapangakong matitiis ko pa ang sakit at kati! Magtabi ka nga kasi ng tubig na inumin sa table ni Jenny!
Utak: Leeg?
Leeg: Ngalay na ako. Konting inat pa, pretty please?
Utak: Likod?
Likod: Isandal mo ako nang maayos sa upuan, kakayanin ko pa.
Utak: Kamay at daliri?
Kamay at daliri: Di na namin kayang pigilan ang panginginig. What is happening to usssss?
Utak: Tiyan?
Tiyan: Gusto ko ng totoong pagkain! Puro kape, maasukal na pagkain at alak na lang ang nilalagay mo sa’kin ha! Namimiss ko na ang lutong gulay ni Nanay Sepa! Totoong pagkain!
Utak: Binti at paa?
Binti at paa: Pinapalala lang namin, ‘di kami paralisado ah. Pwede kaming gamitin, promise! At parang bakit medyo nahihirapan na kami sa bigat ni Jenny?
Bilbil: We’re so happy! Padami kami nang padami! Keep ‘em coming! Store lang ng store ng adipose! The more, the merrier! Hihi!
Utak: Okay, andito na tayo! Get ready. We’re back to work in 3…2…1
Kriiiiing, kriiiiing. “Hello—Sir! This is—Jenny—how may—I help you?”
2 notes
call center call center agent callcenter dagli short story occupational health lifestyle disease writings filipino body organs business process outsourcing bpo health